gAds

Analytics

Rider na nasangkot sa banggaan, patay nang manlaban daw sa mga tauhan ng PNP-HPG









Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng isang lalaki na nasawi matapos mabaril ng mga tauhan ng Highway Patrol Group-Philippine National Police (PNP-HPG) dahil nanlaban daw habang nasa loob ng mobile car.  Ang lalaki, papasok sana sa trabaho pero nasangkot sa banggaan sa EDSA-Makati area kaya siya dinakip.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, lumitaw na ilang oras bago maganap ang insidente, nakapag-post pa ang nasawing si John Dela Riarte, 27-anyos, sa Facebook ng kaniyang larawan at mensahe tungkol sa unang araw niya sa bagong trabaho.







Sa spot report ng HPG, sinasabing may nabanggang kotse si Dela Riarte sa south bound lane ng Edsa-Estrella sa Makati dakong 9:00 a.m.

Nayupi umano ang likuran ng sasakyan at nadatnan daw ng mga awtoridad si Dela Riarte na nagwawala at hinahampas ng helmet ang kotse.

Nang awatin umano ng mga MMDA Traffic at mga pulis, nagbanta raw si Dela Riarte na mamamaril.  Tinangka raw ng biktima na agawin ang baril ng isa sa mga pulis.

Matapos ang kaguluhan, inaresto at pinosasan umano ng mga awtoridad si Dela Riarte at isinakay sa mobile.

Ang nangyaring komosyon sa EDSA, sinabing nakita ng isa ring rider na itinago sa pangalang "Mark." pangalan

Kuwento ni Mark, nakita niyang pinipigilan ng tatlong MMDA constable at dalawang tauhan ng HPG.

Nakita rin daw ni Mark na sinikmuraan ng isang tauhan ng HPG ang biktima at kasunod nito ay pinaalis na raw siya kaya hindi na niya nakita ang sumunod na pangyayari

Batay pa rin sa spot report, ipinasok si Dela Riarte sa police mobile at doon ay muli raw itong nagtangkang manlaban kaya raw napilitan na ang mga pulis na barilin siya.

Apat na tama ng bala sa katawan ang tinamo ni Dela Riarte at binawian siya ng buhay sa ospital.

Giit ng mga naghihigpis na kaanak ng biktima, sobra ang ginawa kay Dela Riarte batay na rin sa dami ng tama ng bala na tinamo nito.

Wala rin daw masamang record at hindi gumagamit ng iligal na droga ang biktima, ayon sa kaniyang kapatid.

Maliban sa spot report, tumangging magbigay ng karagdagang pahayag ang PNP-HPG, ayon sa ulat.

Sinisikap din ng GMA News na matunton ang may-ari ng kotse na nabangga ni Dela Riarte sa nangyaring vehicular accident na naging dahilan ng pagkakaaresto niya at pagkasawi.